"stop, look, listen, write." submit articles to: krayraen@yahoo.com

Monday, February 21, 2005

torpedo

by lino

Ginusto mong mapag-isa habang malayo ka nakamasid sa pinakamagandang talinhaga ng iyong buhay. Unti-unti mong binubuo ang pirasong pangarap sa pagtitig sa dilag sa malayo. Nang naabala ka sa pag-iibang ihip ng hangin mula sa tinatanaw. Mula sa sinisinta ay may ibang nagtangkang lumapit at nagkamit ng ngiti na dapat ay sayo kung sana lamang…

Gusto mong sumigaw pero hindi mo nagawa dahil kalabisan na ang magpakita ng pagpupuyos ng damdamin. Ano pa ba ang pag-uusapan mula sa pagal na katahimikan, e sa ganun na nga! Nakakarindi ang lumalangit-ngit na mga ngipin sa inis. Malaon mangusap ang isip na nababagot sa pagkakataon. Mahal mo siya pero may mahal siyang iba. Ni pagtingin ay hindi ka bahaginan ng iyong sinisinta, magparunggit man hindi ka pagkakalooban dahil sa sadyang hindi ka pansin. Nagpapatintero ang mga hinlalaki habang panay ang galaw ng mga paang naghahanap ng buwelo at susugod na mapa-ilang saglit na lang. Kung lalapit pa kaya at mangungusap; o tatalikod habang namamatay sa selos na dapat nga e hindi kase wala ka namang karapatan.

Hindi komedya ang palabas lalung hindi drama kase hindi ka naman martir. Kung maging aksyon ang eksena, di kaya ikaw ang lumabas na kontrabida pagkatapos? Ito ay kwento ng pagsinta ng isang lalaki sa babaeng kanyang iniibig, dangan lamang at sagad sa pagkatorpe.
Kalabisang maging tanga lalu na’t wala kang kausap o katabi man lang. Tutulo ang sipon at sisinghutin muli. Wala kang maka-usap habang nagbabadya kang maglabas ng komentaryo sa nararamdaman.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home