"stop, look, listen, write." submit articles to: krayraen@yahoo.com

Friday, February 18, 2005

Nang tinaggalan ako ng Paa, nagkaroon ako ng pakpak

lynette olabe

Di katagalan ng taong kasalukuyan, sa kalaliman ng gabi, nagising na lang akong bukas ang pinto, may kutsilyong nakaipit sa bandang ilalim, at nawawala ang bag kong naglalaman ng mahalaga kong gamit- ang aking kamera. Di ko man nalaman kung sino, pero handa akong pumatay ng tao nung mga panahong ‘yon. Isa lang ang malinaw, hindi man ako pisikal na nasaktan, pero pinilayan ako. Dahil sa tuwi-twina, e kakabit ko ang aking kamera. Parang isang piraso ang napilas sa aking bituka.

Matapos ang masaklap na pangyayari, bumaling ako sa pagsusulat. Sa sarili, tamad talaga akong magsulat. Pero dahil mas tamad akong magsalita, pinilit kong magsulat. Kamalasan naman na dumating sa puntong ang hilig ko sa pagsusulat ay balingan ng pagkapagod ng aming kompyuter. Bumigay ang motherboard kasama ang mga naipunla kong ideya na nalikom ko sa pagdaan ng maraming panahon. Pakiramdam ko tuloy, nawalan ako ng imahinasyon.

Magulo ang mundo, kasing gulo ng utak ng tao. Minsan nga gusto ko munang makalimutang huminga. Pero may pag-asa pa sa loob-loob ko. Hanap ako ng ibang pagkakaabalahan kesa tumunganga at maghimutok. Sulat uli. Sa papel na, mahirap na kase. Mas mabuti pang kahig manok ang sulat kesa mauwi uli sa kawalan ang lahat.

Kapag pinagbagsakan ka ng mga kamalasan, di mo kontrolado. Okay sana kung masisisi mo ang sarili mo sa kapabayaan pero iba ang ihip ng hangin. Masyadong maraming external forces ang bumubulusok sa maigting na pagkakataon.

At nag-SONA, pero wala ko don…

Hindi ito ang unang pagkakataon na bumagsak ako sa pagkaka-upo at mag-isip na maglaslas ng pulso sa mga nangungulit na mga tanong, kung kelan daw ba ko ga-graduate. At ang aking himutok: Gawin mo ang gusto ng iba, hindi ka masaya. Gawin mo ang gusto mo, makasarili ka. Matutong mag-compromise… hindi pwede, maiipit ako.
Nang tinaggalan ako ng paa, nagkaroon ako ng pakpak.

Matagal bago ako naka-recover at nakapag-isip. Ang buhay ng tao, hindi naman talaga gulong kundi isang laro na ikaw mismo ang taya. Ikaw ang maghahabol sa panahon.Sa ngayon, ang sarili muna ang mahalaga. Hindi ibang tao. Mahirap mabuhay sa impresyon ng iba, nakakabulag.

Isip uli. Maraming bagay ang nawawala, kahit ideya nananakaw. Pinakamasakit kung mismong ikaw inagawan ng bagay na mahalaga sayo. Tapos, alumpihit ka, di mo alam kung saan babaling.

May mga problemang masakit sa puso at naka-ubos ng luha. May mga problema ding nakakabaliw tulad ng sa Pinas. May mga problema namang sadyang nakakatawa. Sa totoo lang, nasa tao lang kung paano niya dinadala.

Sa bawat masakit na pagbagsak, dapat lang siguro ang bumangon. Kapag tinaggalan ka ng paa, piliting mong magkaroon ng pakpak. Gaano man katuso ang buhay, kahit ilan pang pagkakadapa at masamang pangitain ang dumaan. Dama mo sa iyong sarili na patuloy ka pa rin sa paghinga.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home